Ang kabuuan ng Aking plano sa pamamahala, isang plano na sumasaklaw ng anim na libong taon, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa pasimula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na tinatawag ding Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa kalikasan ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto ito ay tumutugma sa mga pangangailangan ng tao—o, upang maging mas tumpak, ito ay tinutupad batay sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikipagdigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng mga panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay iligtas ang buong lahi ng tao, na namumuhay sa ilalim ng sakop nito. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan habang ibinubunyag ang di-matiis na pagiging kakila-kilabot ni Satanas. Lalong higit pa, ito ay upang turuan ang Aking mga nilalang na kumiling sa pagitan ng mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Tagapamahala ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang pinakamababa sa mababa, ang siyang masama, at upang makita, nang may katiyakang walang-pasubali, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at kung ano ang hamak. Sa ganitong paraan, ang mangmang na sangkatauhan ay makakayang maging saksi sa Akin na hindi Ako ang tumitiwali ng sangkatauhan, at tanging Ako lamang—ang Panginoon ng sangnilikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang makapagbibigay sa tao ng mga bagay na ikasisiya nila; at kanilang malalaman na Ako ang Tagapamahala ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa Aking mga nilikha at nang naglaon ay kumalaban sa Akin. Ang Aking anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto upang makamit ang mga sumusunod na resulta: upang mapahintulutan ang Aking mga nilalang na maging Aking mga saksi, upang malaman ang Aking kalooban, upang makita na Ako ang katotohanan. Kaya, sa panahon ng unang yugto ng gawain sa Aking anim-na-libong-taong plano sa pamamahala, ginawa Ko ang gawain ng kautusan, na siyang gawain kung saan pinangunahan ni Jehova ang Kanyang bayan. Ang ikalawang yugto ay nagpasimula sa gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa mga nayon ng Judea. Si Jesus ang kumakatawan sa lahat ng mga gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; Siya ay nagkatawang-tao at ipinako sa krus, at Kanya ring pinasinayaan ang Kapanahunan ng Biyaya. Siya ay ipinako sa krus upang tapusin ang gawain ng pagtubos, upang wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan at pasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, at kung kaya Siya ay tinawag na “Kataas-taasang Pinuno”, ang “Alay para sa Kasalanan”, ang “Manunubos”. Kaya ang gawain ni Jesus ay naiba sa nilalaman mula sa gawain ni Jehova, kahit magkapareho ang mga iyon ng prinsipyo. Inumpisahan ni Jehova ang Kapanahunan ng Kautusan, itinatag ang punong himpilan, iyan ay, ang dakong pinagmulan, ng Kanyang gawain sa lupa, at nagpalabas ng mga kautusan; ang mga ito ay dalawa sa Kanyang mga naisakatuparan, na kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na tinupad ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi upang magpalabas ng mga utos, kundi upang isakatuparan ang mga utos, sa gayon ay inihahatid ang Kapanahunan ng Biyaya at tinatapos ang Kapanahunan ng Kautusan na tumagal nang dalawang libong taon. Siya ang tagatuklas, na dumating upang pasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, datapuwa’t ang pagtubos ang pangunahing bahagi ng Kanyang gawain. Kung kaya ang Kanyang mga naisakatuparan ay may dalawa ring bahagi: ang pagbubukas ng isang bagong kapanahunan, at pagkumpleto sa gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus. At Siya ay umalis. Sa puntong ito, dumating sa katapusan ang Kapanahunan ng Kautusan at pumasok ang sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.
Ang gawaing tinupad ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang gagawin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay lubos na isa ng kapakumbabaan, pagtitiis, pag-ibig, kabanalan, pagtitiyaga, habag, at kagandahang-loob. Pinagpala Niyang mayaman ang sangkatauhan at dinalhan sila ng masaganang biyaya, at lahat ng mga bagay na maaari nilang tamasahin, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpapaubaya at pag-ibig, Kanyang kaawaan at kagandahang-loob. Nang mga panahong iyon, lahat ng nakatagpo ng tao ay kasaganaan ng mga bagay na nagpapasaya: Ang kanilang mga puso ay napayapa at nabigyan ng katiyakan, ang kanilang mga espiritu ay inaliw, at sila ay inalalayan ni Jesus na Tagapagligtas. Na maaari nilang matamo ang mga bagay na ito ay ang kinahinatnan ng kapanahunan kung kailan sila nabuhay. Sa Kapanahunan ng Biyaya ang tao ay sumailalim sa pagtitiwali ni Satanas, kung kaya ang gawaing pagtubos sa buong sangkatauhan ay nangailangan ng masaganang biyaya, walang-hanggang pagtitiis at pagtitiyaga, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang makarating sa bunga nito. Ang nakita lamang ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang Aking handog na pantakip ukol sa kasalanan ng sangkatauhan, iyan ay, si Jesus. Ang alam lamang nila ay maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang habag at kagandahang-loob ni Jesus. Ito sa kabuuan ay dahil nabuhay sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya’t, bago sila matubos, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila; ito lamang ang kapaki-pakinabang sa kanila. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari silang magkaroon ng pagkakataon na matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa nila sa pagtitiis at pagtitiyaga ni Jesus. Tanging sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagtitiyaga ni Jesus sila nakatamo ng karapatang makatanggap ng kapatawaran at magtamasa sa kasaganaan ng biyaya na ipinagkaloob sa pamamagitan ni Jesus—gaya ng sinabi ni Jesus, “Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang pahintulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan.” Kung si Jesus ay nagkatawang-tao na may disposisyon ng paghatol, sumpa, at hindi-pagpapaubaya sa mga kasalanan ng tao, kung gayon ang tao ay hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay napahinto sana sa Kapanahunan ng Kautusan, at ang Kapanahunan ng Kautusan ay napatagal ng anim na libong taon. Ang mga kasalanan ng tao ay mas lalo pa sanang dumami at mas lalong lumubha, at ang paglikha sa sangkatauhan ay mauuwi sa wala. Ang mga tao ay maaring nakapaglingkod lamang kay Jehova sa ilalim ng kautusan, ngunit ang kanilang mga kasalanan ay mas marami kaysa roon sa mga unang nilikhang tao. Habang mas minamahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, ang sangkatauhan ay mas nagkakaroon ng kakayahan na maligtas, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Si Satanas ay hindi maaring makialam sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na gaya ng pakikitungo ng isang mapagkalingang ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hinamak man sila, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanilang kalagitnaan, kundi nagtiis sa kanilang mga pagkakamali at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, anupa’t sinabing, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpu’t pitong beses.” Kaya binago ng puso Niya ang mga puso ng iba. Sa ganitong paraan nakatanggap ang mga tao ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
Kahit na si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao, ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang inaaliw ang Kanyang mga tagasunod, binibigyan sila, tinutulungan sila, at pinananatili sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa mga tao, kundi laging matiyaga at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, anupa’t sa Kapanahunan ng Biyaya Siya ay magiliw na kinilala bilang “ang kaibig-ibig na Jesus na Tagapagligtas.” Sa mga tao nang panahong iyon—sa lahat ng mga tao—kung anong mayroon si Jesus at kung ano Siya, ay kaawaan at kagandahang-loob. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga pagsalangsang ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi nakabatay sa kanilang mga pagsalangsang. Dahil iyon ay ibang kapanahunan, madalas Siyang magkaloob ng masaganang pagkain at inumin sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang mga tagasunod nang may kabaitan, pinagagaling ang maysakit, pinalalayas ang mga demonyo, at binubuhay ang mga patay. Upang ang mga tao ay maniwala sa Kanya at makita na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, anupa’t Siya ay gumawa hanggang sa sukdulang Kanyang buhayin ang isang naaagnas na bangkay, ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit na ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at ginawa ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanilang kalagitnaan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan bago pa man siya mapako. At sa huli ipinako Siya sa krus, isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan alang-alang sa sangkatauhan. Palagi Siyang nagparaya sa sangkatauhan, hindi kailanman mapaghiganti, kundi pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan, pinayuhan sila na magsisi, at tinuruan sila na magkaroon ng pagtitiyaga, pagtitiis, at pagmamahal, upang sumunod sa Kanyang mga yapak at isakripisyo ang kanilang mga sarili alang-alang sa krus. Ang Kanyang pag-ibig para sa mga kapatid na lalaki at babae ay mas higit pa kaysa sa pag-ibig Niya kay Maria. Ang prinsipyo ng gawaing Kanyang tinupad ay pagpapagaling ng mga tao at pagpapalayas ng mga demonyo, lahat para sa kapakanan ng Kanyang pagtubos. Kahit saan Siya pumunta, pinakitunguhan Niya nang may kabaitan ang mga sumunod sa Kanya. Ginawa Niyang mayaman ang mahirap, pinalakad Niya ang pilay, nakakita ang bulag, at nakarinig ang bingi; inanyayahan Niya kahit ang pinakamababa, ang mga pinakasalat, ang mga makasalanan, na saluhan Siyang kumain, anupa’t hindi Niya sila kailanman nilalayuan kundi palaging matiyaga, anupa’t sinasabing, “Kung ang isang pastol ay nawawalan ng isa sa isang daan niyang mga tupa, iiwan niya ang siyamnapu’t-siyam upang hanapin ang nawawalang isang tupa, at kapag nakita niya ito ay lubos siyang magagalak.” Minahal Niya ang Kanyang mga tagasunod gaya ng pagmamahal ng isang inang tupa sa mga anak nito. Kahit na sila ay hangal at ignorante, at mga makasalanan sa Kanyang paningin, at higit pa rito ay mga latak ng lipunan, itinuring Niya ang mga makasalanang ito—mga tao na hinamak ng iba— bilang natatangi sa Kanyang mga mata. Dahil pinaboran Niya sila, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa kanila, gaya ng isang kordero na inihandog sa altar. Sumama Siya sa kanila gaya ng isang lingkod, hinayaan Niya silang gamitin Siya at patayin Siya, sumunod sa kanila nang walang-pasubali. Para sa Kanyang mga tagasunod, Siya ay ang mapagmahal na Tagapagligtas na si Jesus, ngunit para sa mga Fariseo na nagsermon sa mga tao mula sa mataas na katayuan, hindi Siya nagpakita ng kaawaan at kagandahang-loob, sa halip ay pagkasuklam at paglaban. Hindi Siya gumawa ng maraming gawain sa gitna ng mga Fariseo, paminsan-minsan lamang silang sinesermunan at sinasaway; hindi Siya nag-abala sa kanilang kalagitnaan sa gawain ng pagtubos, ni nagpakita ng mga tanda at ng mga himala. Inilaan Niya ang kanyang awa at kagandahang-loob sa Kanyang mga tagasunod, nagtitiis para sa kapakanan ng mga makasalanang ito hanggang sa kahuli-hulihan, nang ipinako Siya sa krus, at tinitiis ang bawat kahihiyan hanggang sa lubos na Niyang matubos ang buong sangkatauhan. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain.
Kung wala ang pagtubos ni Jesus, ang sangkatauhan ay magpakailanman nang mabubuhay sa kasalanan, at magiging mga anak ng kasalanan, ang mga inapo ng mga demonyo. Sa pagpapatuloy sa paraang ito, ang buong daigdig ay naging dakong tirahan sana ni Satanas, isang dako para maging tahanan nito. Ngunit ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob tungo sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito makatatanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay maging karapat-dapat na magawang ganap at lubos na makamit. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay hindi sana nakasulong. Kung si Jesus ay hindi ipinako sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga tao at nagpalayas ng mga demonyo, kung gayon hindi lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo at kalahating taon na ginugol ni Jesus sa pagtupad ng Kanyang gawain sa lupa, tinapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus at pagiging wangis ng makasalanang laman, sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanya ng masamang isa, naisakatuparan Niya ang gawaing pagpapapako sa krus at sinupil ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos lamang na naibigay Siya sa mga kamay ni Satanas natubos Niya ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at pinabayaan, anupa’t hanggang sa punto na wala Siyang mahigaan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpapahingahan; at pagkatapos ay ipinako Siya sa krus, ang Kanyang buong pagkatao—isang malinis at walang-salang katawan—ipinako sa krus, at nagdanas ng lahat ng paraan ng pagdurusa. Tinuya Siya ng mga nasa kapangyarihan at Siya ay nilatigo, anupa’t dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa Kanyang mukha; datapuwa’t Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang sa katapusan, sumunod Siya nang walang-pasubali hanggang sa punto ng kamatayan, kung saan tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Saka lamang Siya hinayaang makapagpahinga. Kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya ang gawaing tinupad ni Jesus; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili para sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na dinaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.
Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Rekomendasyon: