Bilang isa na naniniwala sa Diyos, dapat mong maunawaan na, ngayon, sa pagtanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at ng lahat ng gawain ng plano ng Diyos sa iyo, ikaw ay talagang nakakatanggap ng malaking pagpaparangal at kaligtasan mula sa Diyos. Ang lahat ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob ay nakatutok sa kalipunang ito ng mga tao. Nailalaan Niya ang lahat ng Kanyang pagsisikap para sa inyo at isinakripisyo ang lahat para sa inyo; Kanyang nababawi at naibibigay sa inyo ang lahat ng gawain ng Espiritu sa buong sansinukob.
Iyan ang dahilan kung bakit ko sinasabing, kayo ang mapalad. Higit pa rito, naililipat Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang Kanyang piniling bayan, sa inyo, nang sa gayon ay lubusang maipamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ninyong kalipunan ng mga tao. Samakatwid, kayo yaong mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa, ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: "Sapagkat ang aming magaang kapighatian, na panandalian lamang, ang siyang magdudulot sa amin ng lalong higit at walang hanggang kaluwalhatian." Dati, narinig ninyong lahat ang kasabihang ito, nguni’t walang nakaunawa ng tunay na kahulugan ng mga salita. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kahalagahan ng mga ito. Ang mga salitang ito ang siyang isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw. At ang mga ito ay mangyayari doon sa mga malupit na pinighati ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito namamalagi. Inuusig ng malaking pulang dragon ang Diyos at ito ang kaaway ng Diyos, kaya sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinailalim sa panghihiya at pang-uusig. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga salitang ito ay magiging katotohanan sa inyong kalipunan ng mga tao. Habang ang gawain ay isinasakatuparan sa isang lupain na tumututol sa Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay sinasalubong ng labis na pang-aabala, at marami sa Kanyang mga salita ay hindi naisasakatuparan sa tamang panahon; kaya, ang mga tao ay dinadalisay dahil sa mga salita ng Diyos. Ito rin ay bahagi ng paghihirap. Labis na nakakapagod para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon, nguni’t ito'y sa pamamagitan ng naturang paghihirap na gumagawa ang Diyos ng isang yugto ng Kanyang gawain upang ipamalas ang Kanyang karunungan at mga nakakamanghang mga gawa. Kinukuha ng Diyos ang pagkakataong ito upang gawing ganap itong kalipunan ng mga tao. Dahil sa pagdurusa ng mga tao, sa kanilang kakayahan, at sa lahat ng mala-satanas na disposisyon ng mga tao sa maruming lupaing ito, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig nang sa gayon, mula rito, Siya ay maaaring magkamit ng kaluwalhatian at makamit yaong mga tumatayong saksi sa Kanyang mga gawa. Ito ang lubos na kabuluhan ng lahat ng mga sakripisyo na nagagawa ng Diyos para sa kalipunan ng mga taong ito. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan lamang niyaong mga sumasalungat sa Kanya. Samakatwid, ang paggawa lamang ng gayon ang nagpapamalas ng dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sa ibang salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang makapagbibigay ng katanyagan sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ko sinasabing ang kaluwalhatian ng Diyos ay nakakamit sa maruming lupain at mula sa mga yaon na naninirahan doon. Ito ang kalooban ng Diyos. Ito ay katulad din sa yugto ng gawa ni Jesus; maaari lamang Siyang maluwalhati sa kalagitnaan ng mga Fariseong nang-uusig sa Kanya. Kung hindi dahil sa pang-uusig na iyon at sa pagkakanulo ni Judas, hindi sana napagtawanan o nakaranas ng paninirang-puri si Jesus, lalong hindi sana naipako sa krus, at sa gayon hindi sana Siya kailanman nagkamit ng kaluwalhatian. Saan man gumagawa ang Diyos sa bawa’t kapanahunan at saan man siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, Siya ay nagkakamit ng kaluwalhatian doon at doon ay nakakamit yaong mga ninanais Niyang makamit. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.
Sa plano ng Diyos ng ilang libong taon, ang gawaing ginagawa sa katawang-tao ay nahahati sa dalawang bahagi: Ang una ay ang gawaing pagpapapako sa krus, na kung saan Siya ay niluluwalhati; ang pangalawa ay ang gawain ng panlulupig at pagpeperpekto sa mga huling araw, na sa pamamagitan nito Siya ay magkakamit ng kaluwalhatian. Ito ang pamamahala ng Diyos. Kaya, huwag ipapalagay na napaka-payak ng gawain ng Diyos o ng utos ng Diyos sa inyo. Lahat kayo ay mga tagapagmana ng sobra-sobra at walang-hanggang bigat ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito ay natatanging itinalaga ng Diyos. Sa dalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang isa ay ibinubunyag sa inyo; ang kabuuan ng isang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos ay ipinagkakaloob sa inyo nang sa gayon ay maaari itong maging inyong pamana. Ito ang pagpaparangal mula sa Diyos at ang Kanyang plano na itinalaga matagal nang nakalipas. Dahil sa kadakilaan ng gawain na nagagawa ng Diyos sa lupain kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan, ang ganoong gawain, kung inilipat sa ibang lugar, ay matagal na sanang nagbunga ng maraming bunga at madali nang natanggap ng tao. At ang ganoong gawain ay napakadaling matatanggap ng mga kleriko sa Kanluran na naniniwala sa Diyos, dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay nagsisilbing halimbawa. Ito ang dahilan kung bakit hindi Niya nakakamit itong yugto ng gawain ng pagluluwalhati saan mang dako; iyan ay, kapag may tulong na nanggagaling mula sa lahat ng tao at pagkilala mula sa lahat ng bansa, walang dako para ang kaluwalhatian ng Diyos ay mamasdan. At ito'y ang tiyak na hindi-pangkaraniwang kahalagahan na taglay ng yugtong ito ng gawain sa lupaing ito. Sa inyong kalagitnaan, wala ni isang tao ang nakakatanggap ng pag-iingat ng batas; sa halip, kayo ay pinarurusahan ng batas, at ang mas mahirap ay walang taong nakakaunawa sa inyo, maging ito man ay inyong mga kamag-anak, inyong mga magulang, inyong mga kaibigan, o inyong mga kasamahan. Walang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay tinatanggihan ng Diyos, walang paraan para ikaw ay magpatuloy na mabuhay sa lupa. Gayunpaman, kahit ganoon, hindi kayang iwan ng mga tao ang Diyos; ito ang kahalagahan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang inyong namamana sa araw na ito ay nakakahigit sa kung ano ang mayroon ang mga dating apostol at propeta at higit pa sa kung ano ang nakina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi natatanggap sa loob lamang ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamit sa pamamagitan ng matinding pagpapakasakit. Iyon ay, kinakailangan ninyong magkaroon ng dalisay na pag-ibig, malaking pananampalataya, at maraming katotohanan na hinihingi ng Diyos na inyong matamo, at saka, kinakailangang magawa ninyong humarap sa katarungan, at hindi kailanman maduduwag o magpapasakop, at kinakailangan ninyong magkaroon ng tuluy-tuloy at walang humpay na pag-ibig sa Diyos. Ang pagpapasya ay hinihingi mula sa inyo, gayundin ang pagbabago sa disposisyon ng inyong buhay, ang inyong katiwalian ay nararapat malunasan, at nararapat ninyong tanggapin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos nang walang daing, at maging masunurin pa hanggang sa kamatayan. Ito ang kailangan ninyong makamit. Ito ang pangwakas na layunin ng Diyos, at ang mga kinakailangan na hinihingi ng Diyos sa kalipunang ito ng mga tao. Habang Siya ay nagkakaloob sa inyo, gayundin naman kailangan Niyang humingi sa inyo ng kapalit at hingan kayo ng angkop na mga kinakailangan. Samakatwid, ang lahat ng gawa ng Diyos ay may dahilan, at mula rito ay nakikita kung bakit ang Diyos ay muli't muling gumagawa ng gawaing mayroong mataas na mga pamantayan at mahigpit na mga kinakailangan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ninyong mapuno ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, ang lahat ng gawa ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, nang sa gayon kayo ay maging karapat-dapat na tumanggap ng Kanyang pamana. Hindi naman ito para sa kapakanan ng sariling kaluwalhatian ng Diyos kundi para sa kapakanan ng inyong kaligtasan at para sa pagpeperpekto sa grupo ng mga taong ito na malalim na napighati sa maruming lupain. Dapat ninyong maintindihan ang kalooban ng Diyos. Kaya hinihimok Ko ang maraming mga taong mangmang na walang kaalaman o katinuan: Huwag ninyong subukin ang Diyos at huwag nang lumaban. Natitiis na ng Diyos ang lahat ng pagdurusa na hindi kailanman natitiis ng tao, at dati nang nagdusa ng mas matinding kahihiyan para sa kalagayan ng tao. Ano pa ang hindi ninyo kayang bitawan? Ano pa ang mas mahalaga kaysa kalooban ng Diyos? Ano pa ang mas nakatataas sa pag-ibig ng Diyos? Ito ay isang gawain na lubhang napakahirap na para sa Diyos para isakatuparan ang Kanyang gawain sa maruming lupaing ito. Kung ang tao ay buong-kaalaman at kusang-loob na sumusuway, ang gawa ng Diyos ay lalong magtatagal. Sa paanuman, hindi ito para sa kapakanan ninuman, at walang kapakinabangan para kaninuman. Hindi saklaw ng panahon ang Diyos; ang Kanyang gawa at Kanyang kaluwalhatian ang nauuna. Samakatwid, gaano man katagal, hindi Siya maglalaan ng anumang pagpapakasakit kung ito ay Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos: Hindi Siya magpapahinga hanggang naisasakatuparan ang Kanyang gawain. Kapag dumating lamang ang panahon na nakukuha Niya ang pangalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian saka lamang matatapos ang Kanyang gawain. Kung hindi matapos ng Diyos sa buong sansinukob ang gawain ng ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang Kanyang araw ay hindi kailanman darating, ang Kanyang kamay ay hindi kailanman mawawala sa Kanyang napili, ang Kanyang kaluwalhatian ay hindi kailanman darating sa Israel, at ang Kanyang plano ay hindi kailanman matatapos. Kailangan ninyong makita na ang kalooban at ang gawa ng Diyos ay hindi kasing-payak ng paglikha sa mga kalangitan at lupa at sa lahat ng mga bagay. Dahil ang gawain sa kasalukuyan ay ang baguhin ang mga napápasamâ na nagiging labis na manhid, at dalisayin ang mga nilikha pagkatapos ay ginamit ni Satanas, hindi para likhain si Adan o si Eba, lalong hindi upang gawin ang liwanag o likhain ang lahat ng uri ng mga halaman at hayop. Ang Kanyang gawain ngayon ay gawing dalisay ang lahat ng napápasamâ ni Satanas upang sila ay mabawi at maging Kanyang pag-aari at maging Kanyang kaluwalhatian. Ang ganoong gawain ay hindi kasing-payak ng inaakala ng tao sa paglikha ng mga kalangitan at lupa at ng lahat ng bagay, at hindi rin ito katulad ng gawaing pagsumpa kay Satanas sa hukay na walang-hanggan na inaakala ng tao. Sa halip, ito ay upang baguhin ang tao, upang yaong negatibo ay gawing positibo at upang gawing Kanyang pag-aari yaong hindi naman sa Kanya. Ito ang kuwentong napapaloob sa yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong mapagtanto, at hindi dapat pasimplehin nang husto ang mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang hiwaga nito ay hindi naiisip ng utak ng tao, at ang karunungan nito ay hindi nakakamit ng gayon. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng Kanyang mga nilikha at dinadalisay ang lahat ng mga bagay na nadudungisan ni Satanas. Kaya, nararapat na simulan ng Diyos ang gawain na lubhang napakalaki, at ito ang buong kahalagahan ng gawain ng Diyos. Mula sa mga salitang ito, naniniwala ka ba na ang gawain ng Diyos ay napakapayak?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento