Ang pagsisiyasat kung iyong isinasagawa ang pagkamatuwid sa lahat ng iyong ginagawa, at kung minamasdan ng Diyos ang lahat ng pagkilos mo, ay mga prinsipyo sa pag-uugali ng mga naniniwala sa Diyos. Tatawagin kayong matuwid dahil napalulugod ninyo ang Diyos, at dahil tinatanggap ninyo ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos. Sa paningin ng Diyos, lahat ng tumatanggap ng Kanyang pag-aalaga, proteksyon, at pagpe-perpekto at mga nakakamit Niya, ay mga matuwid at tinitingnan nang may pagtatangi ng Diyos.
Mas tinatanggap ninyo ang mga salita ng Diyos ngayon dito, mas nagagawa ninyong tanggapin at unawain ang kalooban ng Diyos, at kaya mas naisasabuhay ninyo ang mga salita ng Diyos at natutugunan ang Kanyang mga kinakailangan. Ito ang atas ng Diyos para sa inyo, at kung ano ang dapat ninyong makamtan. Kung gumagamit kayo ng mga pagkaintindi upang sukatin at ilarawan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Biblia, at pinagkakasya Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinamak ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, hinulma ng mga Judio sa panahon ng Lumang Tipan ang Diyos sa hugis ng isang diyus-diyosan, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba nila ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, na hinahatulan Siya ng kamatayan—at pinarusahan ang walang-kasalanang Jesus ng kamatayan. Walang nagawang krimen ang Diyos, nguni’t hindi pinalibri ng tao ang Diyos at walang pag-aalinlangang hinatulan Siya ng parusang katamayan. Sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at binibigyang-kahulugan Siya ayon sa Biblia, na para bang naaaninag ng tao ang pamamahala ng Diyos, na parang ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, angkin nila ang sukdulang kayabangan, at lahat sila ay mayroong likas na kahusayang magsalita nang may pagmamalaki. Gaano man kadakila ang pagkakilala mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, at walang iba pang mas tumututol sa Diyos, at hinahamak mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang sundin ang gawain ng Diyos at lumakad sa landas ng pagiging ginagawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t masyado siyang maraming mga pagkaintindi, at sapagka’t, sa halip na tugunan ang realidad, lahat ng kanyang pagkakilala sa Diyos ay ginupit mula sa parehong tela, at matigas at di-naiibô. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang naipako ng tao sa krus. Malupit, marahas na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang paggigitgitan sa isa’t-isa, ang pag-aagawan sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan pa ito matatapos? Nakakapagsalita ang Diyos ng daang-libong mga salita, nguni’t walang isa man ang natatauhan. Sila ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, at mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, pag-asa, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa kanilang mga damit, para sa pagkain at sa laman—kaninong mga pagkilos ang talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatangi ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinusgahan ng kamatayan nang di mabilang na beses, di-mabilang na mga mababangis na hukom ang naghusga sa Kanya at minsan pang ipinako Siya sa krus. Gaano karami ang natatawag na matuwid dahil talagang kumikilos sila para sa kapakanan ng Diyos?
Sa harap ng Diyos, ganoon lamang ba kadaling magawang perpekto tungo sa pagiging isang banal, o isang taong matuwid? Isang katotohanan na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Kung haharap kayo sa Diyos, isaalang-alang ninyo ang inyong kasuotan, ang inyong bawa’t salita at pagkilos, ang lahat ng inyong mga iniisip at mga ideya, maging ang mga pangarap na pinapangarap ninyo araw-araw—lahat ng mga iyon ay para sa inyong sariling kapakanan. Hindi ba ito ang totoong katayuan ng mga pangyayari? Ang “pagkamatuwid” ay hindi nangangahulugang pagbibigay ng limos, ito ay hindi nangangahulugan ng pag-ibig mo sa iyong kapwa gaya ng sa iyong sarili, at hindi ito nangangahulugan na hindi nag-aaway, nagbabangayan, nagnanakawan, o nag-uumitan. Ang pagkamatuwid ay nangangahulugan na tinatanggap mo ang atas ng Diyos bilang iyong tungkulin at sinusunod ang mga pagsasaayos ng Diyos bilang isang hulog ng langit na kinahihiligan, kailan man o saan man, tulad lamang ng lahat ng ginawa ng Panginoong Jesus. Ito ang talagang pagkamatuwid na sinabi ng Diyos. Na maaring tawaging matuwid na tao si Lot ay dahil iniligtas niya ang dalawang anghel na isinugo ng Diyos nang hindi alintana kung ano ang natamo niya o nawala sa kanya; ang ginawa niya sa panahong iyon ay natatawag na matuwid, nguni’t hindi siya natatawag na taong matuwid. Dahil lamang sa nakita ni Lot ang Diyos kung kaya ibinigay niya ang kanyang dalawang anak na babae kapalit ng mga anghel. Nguni’t hindi lahat ng kanyang pag-uugali noong nakaraan ay kumakatawan sa pagkamatuwid, kaya sinasabi Ko na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa.” Kahit sa kalagitnaan ng mga nasa daloy ng pagbabawi, walang sinuman ang matatawag na matuwid. Gaano man kahusay ang iyong mga pagkilos, kahit gaano mo ipinakikitang niluluwalhati mo ang pangalan ng Diyos, hindi sinasaktan ni sinusumpa ang iba, o nagnanakaw o nang-uumit sa kanila, hindi ka pa rin natatawag na matuwid, dahil ang gayong mga bagay ay naaangkin ng sinumang normal na tao. Ngayon, ang susi ay hindi mo kilala ang Diyos. Nasasabi lamang na ngayon ay mayroon kang maliit na normal na pagkatao, subali’t ikaw ay salat sa pagkamatuwid na sinalita ng Diyos, kung kaya wala sa mga ginagawa mo ang patunay ng iyong pagkakilala sa Diyos.
Dati, nang ang Diyos ay nasa langit, sinubukan ng tao na linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang pagkilos; ngayon, pumarito ang Diyos sa gitna ng tao—kung gaano katagal ay walang nakaaalam—nguni’t basta gumagawa lamang ang tao para sa Diyos, at sinusubukang linlangin ang Diyos. Hindi ba sukdulang paurong ang pag-iisip ng tao? Pareho ito kay Judas: Bago dumating si Jesus, nagsasabi ng mga kasinungalingan si Judas sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae, at matapos dumating si Jesus ay hindi pa rin siya nagbago; wala siya kahit katiting na pagkakilala kay Jesus, at sa katapusan ipinagkanulo niya si Jesus. Hindi ba ito dahil hindi niya kilala ang Diyos? Kung, sa ngayon, hindi pa rin ninyo kilala ang Diyos, kung gayon magiging katulad kayo ni Judas, at ang trahedya ng pagkapako ni Jesus sa krus sa Kapanahunan ng Biyaya, libu-libong taon na ang nakaraan, ay muling isasadula. Hindi ba kayo naniniwala rito? Ito ay isang katunayan! Sa ngayon, maraming tao ang nasa mga ganitong kalagayan—maaaring sinasabi Ko ito nang mas maaga—at ang gayong mga tao ay gumaganap sa papel ni Judas. Hindi Ako nagsasalita nang mababaw, kundi ayon sa katunayan—at dapat kang maniwala. Kahit maraming tao ang nagkukunwaring mapagpakumbaba, sa kanilang mga puso ay walang iba kundi di-umaagos at mabahong tubig. Sa ngayon, marami sa mga nasa iglesia ang katulad nito. Iniisip ninyo na wala Akong alam; ngayon, ang Aking Espiritu ay gumagabay sa Akin, at nagpapatotoo sa Akin. Iniisip mo ba na wala akong alam? Iniisip ba ninyong wala akong naiintindihan sa mapanlinlang na kaisipan sa inyong mga puso at sa mga bagay na nakatago sa inyong mga puso? Ang Diyos ba ay napakadaling malinlang? Iniisip mo ba na natatrato mo Siya sa anumang paraan na iyong naisin? Sa nakaraan, nag-alala Ako na nakakadena kayo, kaya’t patuloy na nagbigay sa inyo ng kalayaan sa pagkilos, nguni’t walang nakatanto na Ako ay nagiging mabuti sa kanila. Binigyan Ko sila ng isang dalì at kumuha sila ng isang milya. Tanungin ninyo ang isa’t-isa: Hindi Ako nakitungo sa halos kahit kanino, at hindi kaagad-agad pinagagalitan ang sinuman—gayong napakalinaw Ako sa lahat ng motibo at mga pagkaintindi ng tao. Iniisip mo ba na ang Diyos Mismo kung kanino nagpapatotoo ang Diyos ay isang hangal? Kung gayon nga, sinasabi Kong ikaw ay lubhang bulag. Hindi kita pupunahin, at tingnan natin kung gaano ka nagiging ubod ng sama. Tingnan natin kung kaya kang iligtas ng mga panlalansi mo, o kung naililigtas ka ng iyong pinakamahusay na pagtatangka na mahalin ang Diyos. Sa ngayon, hindi Kita huhusgahan; hintayin nating dumating ang panahon ng Diyos upang makita kung paano ang Kanyang pagganti sa iyo. Wala Akong oras para sa walang-kabuluhang pakikipag-usap sa iyo sa ngayon, at ayaw kong pagtagalin ang Aking lalong dakilang gawain para sa iyong kapakanan, ang isang uod na tulad mo ay hindi karapat-dapat paglaanan ng Diyos ng panahon Niya sa pakikitungo sa iyo—kaya tingnan natin kung paano ka magpalayaw sa iyong sarili. Ang gayong mga tao ay hindi naghahabol ng kahit katiting na pagkakilala sa Diyos, at wala silang anumang pag-ibig sa Diyos, ngunit nagnanais pa rin silang matawag na matuwid ng Diyos—hindi ba ito isang biro? Sapagka’t talagang kaunti lamang ang bilang ng mga tao na tapat, ang iniintindi Ko ay walang iba kundi ang pagbibigay-buhay sa tao. Tatapusin Ko lamang ang nararapat magawa ngayon, at pagkatapos, ang kagantihan ay ipapataw sa bawa’t isa alinsunod sa kanilang pag-uugali. Nasabi Ko na ang nararapat Kong sabihin, sapagka’t ito ang gawain na Aking ginagawa. Ginagawa Ko ang nararapat Kong gawin, at hindi ginagawa ang hindi Ko dapat gawin, nguni’t umaasa pa rin akong maglalaan kayo ng higit pang panahon sa pagbubulay-bulay: Gaano karami sa mga kaalaman mo sa Diyos ang talagang totoo? Isa ka ba sa mga yaon na muling nagpapako sa Diyos sa krus? Sa huli, sinasabi Ko ito: Sa aba nilang mga nagpapako sa Diyos sa krus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento